NEW YORK -- Mananatili si Carmelo Anthony sa New York Knicks.
Nagdesisyon si Anthony na patuloy na maglaro para sa New York matapos mapag-aralan ang mga alok ng ilang NBA teams para sa pinapangarap niyang korona.
Nakausap na ng All-Star forward ang mga kinatawan ng Chicago, Houston, Dallas at Los Angeles Lakers.
Ngunit ipinabatid ni Anthony sa Knicks na magbabalik siya sa New York.
Inalok ng Knicks si Anthony ng maximum contract na nagkakahalaga ng halos $130 milyon sa loob ng limang taon.
Ito ay mas malaki ng $35 milyon kumpara sa mga nag-alok sa kanya sa ilalim ng NBA rules.
Lumipat si Anthony sa Knicks noong Pebrero ng 2011 matapos ang trade sa Denver Nuggets.
Pinamunuan niya ang NBA sa scoring noong 2012-13 at pumangalawa kay Kevin Durant ng Oklahoma City Thunder noong nakaraang season.
Makakasama ni Anthony sa Knicks sina team president Phil Jackson at coach Derek Fisher, pipiliting palakasin ang koponan matapos magtala ng 37-45 record noong nakaraang season.