MANILA, Philippines - Kakapitan ng Petron Lady Blaze Spikers at expansion team na AirAsia Flying Spikers ang panalong naitala sa PLDT Home TVolution Power Attackers at Cagayan Valley Lady Rising Suns para magwagi sa quarterfinals ng 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga All-Filipino Conference volleyball tournament ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mas mataas din ang seedings ng Lady Blaze Spikers at Flying Spikers laban sa mga katunggali para mas tumaas ang morale ng mga ito sa knockout game na magdedetermina kung sino ang aabante sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL at suportado ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang Generika-Army Lady Troopers at RC Cola-Air Force Raiders ay nasa semifinals na matapos pangunahan ang pitong koponang kalahok sa elimination round.
Sa ganap na alas-3 ng hapon magtutuos ang Petron at PLDT at si Dindin Santiago ang siyang babandera sa Lady Blaze Spikers matapos magtala ng league-high na 37 points sa five-sets win kontra sa Power Attackers sa naunang pagkikita.
Galing pa ang 6-foot-2 spiker sa paglista ng 24 points nang magwagi ang Petron sa Cignal HD Lady Spikers sa huling laro.
Pagsisikapan ng Flying Spikers ang maipagpatuloy ang magandang ipinakikita sa unang pagsali sa liga sa pamamagitan ng pagduplika sa straight sets win sa Lady Rising Suns sa elimination round.
Sina Cha Cruz, Stephanie Mercado, Aby Maraño at Michelle Laborte ang mga magdadala sa koponang pag-aari ni Dr. Mikee Romero.