MANILA, Philippines - Kung may mga tira mang naimintis si James Yap sa 92-89 panalo ng San Mig Coffee laban sa Rain or Shine sa Game Five ng 2014 PBA Governors’ Cup Finals, ito ay ang dalawang free throws sa huling 25 segundo sa fourth quarter.
Sa nasabing tagpo ay angat ang Mixers ng tatlong puntos sa Elasto Painters, 92-89.
“Ito ‘yung series na ang hirap i-close. May mga crucial misses ako pero sino ba ang gustong mag-miss. Basta ang alam ko tinira ko ng maayos,” sabi ni Yap. “Kung mag-miss man, wala akong pakialam.”
Sa kabila ng kanyang mintis na free throws ay naprotektahan pa rin ng San Mig Coffee ang naturang kalamangan patungo sa pagkopo sa kanilang ikaapat na sunod na korona tampok ang PBA Grand Slam.
Tumapos ang two-time PBA Most Valuable Player awardee na may 29 points, kasama dito ang 3-of-6 shooting sa three-point area, 9-of-12 sa two-point zone at 2-of-5 sa free throw line.
Hinirang si Yap bilang Finals MVP, ang kanyang pangalawang sunod na citation makaraan noong 2014 Commissioner’s Cup at ikaapat sa kabuuan.
“Sobrang blessed. Thank you Lord,” ani Yap, ang 2004 Rookie Draft No. 2 pick. “But more than the individual award, mas thankful ako sa achievement na nakuha ng team namin. Imagine first grand slam in 18 years.”