BELO HORIZONTE, Brazil – Kahit na wala si Neymar ay dapat maglaro pa rin sa kanilang kakayahan ang Brazil.
Lalabanan ng World Cup hosts, maglalaro nang wala ang kanilang injured superstar, ang Germany nitong Martes para sa tiket sa finals.
Nagkaroon si Neymar ng fractured vertebra sa ibaba ng kanyang likuran sa panalo ng Brazil sa Colombia sa quarterfinals.
Dahil dito ay hindi na makakalaro si Neymar sa kabuuan ng torneo. Sa kabila nito ay umaasa pa rin ang 22-anyos na striker na makakamit ng Brazil ang kanilang pang-anim na World Cup title.
“I won’t be able to fulfill the dream of playing in a World Cup finals,” sabi ni Neymar, “but I’m sure they will win this one, they will become champions, and I will be there with them, and all of Brazil will be ce-lebrating together.”
Kahanay sina Lionel Messi at Cristiano Ronaldo, isa si Neymar sa mga pinakamalalaking bituin ngayon sa World Cup.
Umiskor si Neymar ng apat na goals sa group stage at nagpatuloy sa maganda niyang paglalaro bago natuhod sa likod sa kanilang quarterfinals match ng Colombia.
Ang tanong lamang sa Brazil ay kung sino ang papalit kay Neymar bilang pangunahing striker sa pag-atake ng koponan.
Lalo pang mahihirapan ang Brazil sa pagsagupa sa Germany sa semifinals matapos mapatawan ng suspensyon si team captain Thiago Silva.
Naiskor ng Paris Saint-Germain defender ang unang goal sa kanilang quarterfinal victory, ngunit nakatanggap ng yellow card dahil sa pagkompronta sa Colombian goalkeeper.
Dahil ito ang kanyang ikalawang yellow card sa torneo ay uupo lamang siya sa kanilang laro ng Germany.
Isang beses lamang nakalaban ng Brazil ang Germany sa World Cup at ito ay nang manalo sila, 2-0, noong 2002 final.
Ngunit maglalaro ang Germans sa kanilang ika-13 semis appearance at nakapasok sa finals ng pitong ulit kung saan sila nagkampeon ng tatlong beses.