MANILA, Philippines - Nakitaan ng tibay ang Arellano Chiefs sa huling yugto para makita ang sarili na nakasosyo sa liderato sa 90th season ng NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Levi Hernandez ay mayroong 20 puntos at si John Pinto ay may 11 pero kinailangan din ng Chiefs ang depensa ni 6’7” American import Dioncee Holts para mapigilan si Noube Happi at kunin ang 80-73 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Sinandalan ng host Jose Rizal University Heavy Bombers ang mahalagang 3-pointer ni Bernabe Teo-doro para maisantabi ang malakas na pagbangon ng St. Benilde Blazers tungo sa paghagip ng unang panalo sa 69-61 tagumpay sa ikalawang laro.
Naiwanan ng hanggang 21 puntos sa ikatlong yugto at may 45-60 na hinahabol matapos ang natu-rang quarter, nakapanakot ang Blazers nang buksan ang aksyon sa huling sampung minuto ng labanan sa pamamagitan ng 16-3 bomba para dumikit sa 63-61.
May 11 puntos sa laro si Teodoro at ang pinakawalang triple ang naglayo sa Bombers sa apat na puntos, 67-61.
Sina Jose Saavedra at Paolo Taha ay mayroong 15 at 11 puntos para sa Blazers na ininda ang mahinang 19-of-32 shooting sa free throw line para bumaba sa 0-2 baraha.
Si Holts ay may double-double na 15 puntos at 10 rebounds pero ang paglimita niya kay Happi sa dalawang puntos sa huling yugto ang nakatulong ng malaki para sa ikalawang sunod na panalo ng Chiefs.
Tumapos si Happi taglay ang 17 puntos habang si Jan Jamon ang nanguna sa Generals sa kanyang 20 puntos, lakip ang limang triples.
Ang huling 3-pointer ni Jamon ay nagdikit sa Ge-nerals sa 73-77 pero hindi na sila nakapuntos mula rito.
Ikalawang sunod na panalo ito ng tropa ni coach Jerry Codiñera para maihanay sa four-time defending champion San Beda Red Lions at Perpetual Help Altas na nasa unang puwesto.