MANILA, Philippines - Iiwan na ni Chris Banchero, tulad ng Fil-foreign player na si Stanley Pringle ang Asean Basketball League para lumaro sa Philippine Basketball Association.
Nagsumite na si Banchero, dating Seattle Pacific U stalwart na tumulong sa San Miguel Beer sa kanilang kampanya sa ABL noong nakaraang taon, ng kanyang application papers para sa 2014 PBA Rookie Draft.
Ngayon ang deadline para sa draft application ng mga Fil-foreign players kung saan ang mga nakapagsumite na ay sina former national youth player Kyle Pascual, kambal na David at Anthony Semerad at Richard Cole.
Ang mga homegrown talents na nag-apply ay sina San Beda star Rome dela Rosa at Jonathan Semira.
Ang deadline para sa mga local players ay sa Aug. 13 pa. Ang araw ng Draft ay sa Aug. 24 sa Robinson’s Place Manila.
Ngayon pa lamang ay nagdesisyon na ang Globalport Batang Pier na kunin si Pringle bilang kanilang top pick sa 2014 PBA Rookie Draft.
Hawak ng Rain or Shine ang No. 2 pick at maaaring gamitin ng Asian Coating Inc. franchise ito sa pagkuha ng big man para palakasin ang kanilang frontline rotation.
Si Banchero ay inaasahang makukuha sa first-round lalo na ng koponang nais magpalakas ng backcourt rotation.
Ang Fil-Italian na maganda ang katawan at may itsura na si Banchero ay product endorser at model na naging cover na ng ilang local magazines.
Siya ay matinik na guard na nakipagtulungan kina Asi Taulava, June Mar Fajardo at Eric Menk upang igupo ng SMBeer ang Indonesian Warriors sa 2013 ABL Finals kung saan tinanghal siyang MVP.