MANILA, Philippines - Humarurot ang Yes Boy mula sa pagpasok sa huling kurbada para manalo bilang dehado sa isinagawang pista sa Metro Turf Club noong Huwebes ng gabi sa Malvar, Batangas.
Si EG Reyes ang dumiskarte sa nasabing kabayo na umarangkada para lampasan ng kalahating kabayong agwat ang lumalamang ng Queen Ramfire ni Rodeo Fernandez.
Isang class division 3 ang karera na pinaglabanan sa 1,200-metro distansya at naunang humataw ang Madam Theresa sa pagdiskarte ni JB Guce.
Umabot sa anim na dipa ang agwat nito sa mga naghahabol na kabayo pero pagpasok sa kalagitnaan ng karera ay napagod na ang kabayo.
Matiyagang naghabol ang Queen Ramfire at Yes Boy at sa huling kurbada ay tatlo na ang parating sa meta.
Umalagwa na ang kabayo ni Fernandez pero hindi nilubayan ni Reyes ang sakay na kabayo para manalo pa ng kalahating dipa sa meta.
Pumalo sa P49.00 ang ibinigay sa win habang ang 6-1 forecast ay mayroong P44.50 dibidendo.
Nagpasikat din ang leg winner ng Triple Crown na Dream Supreme nang hugandong nanalo ito a class division 1-C karera katunggali ang pitong iba pa.
Si EP Nahilat ang siyang sumakay sa Dream Supreme na nakontento mula sa pangalawang puwesto sa alisan bago humataw pagpasok sa huling kurbada tungo sa halos limang dipang panalo.
Halagang P7.50 ang ibinigay sa win habang ang pagsegunda ng Suwerte Lang na 3-4 sa forecst ay nagpasok ng P13.50.
Ang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang La Furia Rojas sa special handicap race sa 1,200-metro.
Binigyan ng top weight na 58-kilos ang kabayong hawak ni Jonathan Hernandez pero hindi naramdaman ito ng tambalan
Sa pagbubukas ng aparato ay dumistansya na ang La Furia Roja at hindi na pinaporma ng paboritong kabayo ang ibang katunggali matapos ang halos dalawang dipang panalo sa Passive ni CV Garganta.
Nasa P5.50 ang dibidendo ng panalo ng nasabing kabayo pero ang pagsegunda ng di napaborang Passive ay nagpasok ng P115.00 sa 5-6 forecast. (AT)