MANILA, Philippines - Hihigpit ang labanan para sa awtomatikong puwesto sa semifinals sa 2014 PLDT Home-Phi-lippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa pagkikita ng Petron Lady Blaze Spikers at AirAsia Flying Spikers ngayon sa University of San Carlos gym, Cebu City.
Tampok na laro dakong alas-6 ng gabi matutungyahan ang tagisan sa kauna-unahang out-of-town games ng ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL.
Ang Systema at Cignal HD Spikers sa men’s division ang siyang unang laro sa ganap na ika-4 ng hapon.
Naubos agad ang ibinentang tickets para sa larong ito at ang mainit na pagtangkilik sa PSL ng mga Cebuano ang nagtutulak kay PSL at Score president Ramon ‘Tats’ Suzara na magbalak na magdaos pa ng laro sa lugar sa hinaharap.
Tiyak din na masisiyahan ang mga manonood dahil sa kahalagahan ng makukuhang panalo sa pagitan ng Petron at AirAsia.
Matapos makitang napigil ang tatlong naunang panalo nang nabigo sa Generika-Army Lady Troopers sa huling laro, ang Lady Blaze Spikers ay magtatangka na palakasin ang paghahabol sa isa sa dalawang awtomatikong upuan sa Final Four.
May 3-1 karta ang Petron at habang ang Flying Spikers ay may 3-2 baraha.
Kung ang huli ang manalo, gugulo ang paghahabol sa insentibo dahil magkakaroon ng four-way tie sa unang puwesto sa hanay ng Petron, AirAsia, RC Cola-Air Force Raiders at Generika-Army Lady Troopers sa 4-2 baraha.
Ang mata ay tiyak na itutuon sa larong ipakikita ni 6’2” Dindin Santiago na gumawa lamang ng 17 puntos matapos ang 30 puntos average sa naunang tatlong laro.
Pero hindi lamang dapat si Santiago ang aasahan ng koponan dahil mas mapapadali ang asam na panalo kung gagana rin ang iba niyang kakampi. (AT)