12-team sa PBA okay na

Matapos aprubahan ang pagbenta ng koponang Air21 sa MPIC-NLEX, ipinagmalaki ni PBA board chairman Mon Segismundo ang matuling katuparan ng isa sa mithiing kanilang inanunsyo bago magsimula ang PBA Season 39-- ang PBA expansion.

Taas noong inanunsyo ni Segismundo na dalawang expansion teams (Team Kia at Blackwater Sport) plus ang koponang NLEX na hahalili sa Air21 ang bubuo ng 12-team PBA cast na magseselebra ng paparating na 40th season ng liga.

Kasabay nito, inanunsyo ni Segismundo na may tatlong iba pang kumpanya na kumakatok para sumali sa PBA.

Tunay na nakakataba ng puso para sa PBA ang mga kaganapang ito. Ngunit matapos makaakit ng dalawang karagdagang koponan, siguro mas mabuting pag-isipan muna nila ng husto kong nararapat bang mag-entertain pa ng karagdagan pang expansion teams.

Walang dudang bababa ang kaledad ng mga koponan, lalong masisira ang balanse ng liga at baka hindi na mabigyan ng tamang exposure ang mga koponan kung isisiksik pa rin sila sa three-conference-a-season calendar.

Mukhang mabuti nga na hindi tumuloy ang NLEX na maging expansion team at minabuti na lang nila na bumili ng existing franchise.

Kung hindi, naging 13-team league ang PBA at mas mahihirapan sa paggawa ng format at schedule of games si PBA operations chief Rickie Santos.

Bilang expansion teams na kukuha ng players mula sa dispersal at rookie drafts, ‘di inaasahan ang Team Kia at Blackwater Sport na maging competitive agad.

Ramdam ito ng NLEX kaya naman minabuti nilang bumili ng existing franchise (kahit na gumastos ng mas malaking halaga) para naman maaaring makipagbanggaan sa mga old po-wers sa unang taon pa lang nila sa liga.

***

Ini-expect ng sportswriter na ito na may kukuwestiyon sa prosesong ginawa ni commissioner Chito Salud sa lottery para sa top pick sa parating na 2014 PBA Rookie Draft.

Walang kuwestiyon sa kredibilidad ni Kume ngunit panig ako kay coach Yeng Guiao na mukha ngang kinulang sa transpa-rency at class ang proseso.

Mukhang lubhang nagmadali si Kume sa pag-draw kaya’t kinulang sa transparency. Mangyaring pagkahulog ng kahuli-hulihan sa tatlong bola sa box, tuloy bunot na nang kamay ni Kume kasama ang napiling magmamay-ari ng top pick (Globalport) sa Rookie Draft.

Ang inaasahan, pagkalagay ni Kume ng tatlong bola ay ilalabas niya ang kamay niya at ipakikita ito sa mga manonood na malinis. Ang siste nga ay medyo nagmadali si Kume.

Sa likod nito, lubos ang paniniwala ko sa pagiging tuwid at parehas ni Kume.

Show comments