MANILA, Philippines - Isang araw matapos bisitahin ang Chicago Bulls, pinuntahan naman ng New York Knicks star na si Carmelo Anthony ang Houston.
May video board sa labas ng Toyota Center na may imahe ni Anthony na nakasuot ng white uniform ng Houston na may red lettering at may isa pang imahe niya na naka-retro red at yellow uniform. Sa pagitan ng mga pictures ay ang logo ni Anthony na may nakalagay na ‘Melo.’
Nakalagay ang No. 7 sa mga imahe, ang nume-rong gamit ni Jeremy Lin. Posibleng dispatsahin ng Rockets ang point guard para kay Anthony.
Nagpasaring si Lin sa Twitter sa pagpo-post ng Bible verse na Luke 6:29: “If someone slaps you on one cheek, turn to them the other also. If someone takes your coat, do not withhold your shirt from them.’’
At sinundan niya ito ng: “Im entitled to standup for myself/say i felt disrespected as i did thru tweet but point is love unconditionally/as Jesus loved me.”
Ang Houston ang nakahuli ng pinakamalaking isda sa free agency noong nakaraang season nang makuha nila si Dwight Howard mula sa Lakers para sa kanilang layuning makarating sa playoffs.
Nagawa nila ito ngunit nasibak sila sa first round sa nakaraang season kaya gusto nilang palakasin lalo ang team.
Gumawa na ng hakbang ang Houston sa pagte-trade kay center Omer Asik sa New Orleans Pelicans.
Nakatakdang kumita ng mahigit $8 million si Lin sa susunod na season na huling taon ng kanyang three-year contract. Mataas na presyo ito para sa backup na naging bench player na lamang noong nakaraang season dahil sa solid na larong ipinakita ni Patrick Beverley.
Magiging malaking karagdagan ang 30-gulang na si Anthony sa team na mayroon nang Howard at James Harden.
Inaasahang makiki-pagkita si Anthony sa Mavericks kasunod ang Lakers bago sa Knicks.