MANILA, Philippines - Kung pagkukumparahin ang ipinakita ng dalawang koponan sa kanilang unang asignatura, tiyak na walang magiging problema ang four-peat defending champion San Beda Red Lions sa pagkalawit ng ikalawang sunod na panalo laban sa Mapua Cardinals sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Pero kapag sinabi mo ito kay San Beda coach Boyet Fernandez, hindi niya kakagatin ito.
“You can’t judge a team by how they played in their first game,” wika ni Fernandez.
Ang labanan ay siyang tampok na laro sa seniors division na magsisimula dakong alas-2.
Balak naman ng pumangalawa noong nakaraang taon na Letran Knights na bumangon mula sa 83-85 pagkata-lo sa San Sebastian sa pagharap sa Lyceum Pirates sa unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Nagwagi ang Lions sa host Jose Rizal University Heavy Bombers, 57-49, habang tinambakan ang kulang sa taong Cardinals ng Perpetual Help Altas, 57-91, para ilagay na patok ang nagdedepensang kampeon.
Pero kailangang magtrabaho ang bawat manlalaro ng San Beda ani Fernandez, dahil hindi malayong gamitin ng Cardinals ang ‘di magandang panimula para magsilbing dagdag hamon sa kanilang kakayahan.
Si Ola Adeogun na gumawa ng 20 puntos at 14 rebounds sa unang laro ang mangunguna sa Lions bukod pa sa suporta nina Baser Amer, Kyle Pascual, Anthony Seme-rad at Arthur dela Cruz para saluhan uli ang Stags na may 2-0 baraha.
Agawan sa unang panalo ang magaganap sa panig ng Knights at Pirates sa kanilang bakbakan.