MANILA, Philippines - Tinapos ng two-conference cham-pion Generika-Army Lady Troopers ang pamamayagpag ng Petron Lady Blaze Spikers sa kumbinsidong 25-23, 25-23, 25-19, straight sets sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.
May 18 puntos, lakip ang 16 hits si Jovelyn Gonzaga habang sa depensa ay nakipagtulungan kay Tina Salak para pigilan na makapagdomina ang 6’2” spiker Dindin Santiago para maisulong din ng Lady Troopers sa apat ang winning streak at makasalo ang RC Cola-Air Force Raiders sa unang puwesto sa 4-2 karta.
“Maganda ang ipinakita naming depensa dahil napigil namin si Dindin,” wika ni Lady Troopers coach Rico de Guzman.
Si Santiago na naghatid ng 30 puntos average sa naunang tatlong laro ng Petron ay nagkaroon lamang ng 17 puntos sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Si Rachel Ann Daquis ay may 14 puntos, kasama ang tatlong blocks. Ang kanyang matulis na spike ang nagbigay ng 2-0 kalamangan sa kanyang koponan.
Si MJ Balse ay naghatid pa ng 12 puntos, na sinangkapan ng dalawang aces at blocks, para sa balanseng pag-atake.
Ang pagkatalong ito ng Petron ang nagtiyak na walang koponan ang diretsong aabante sa Finals.
Tatangkain ng Lady Blaze Spikers na makabangon agad mula sa nangyari sa pagharap sa AirAsia Flying Spikers sa Sabado sa University of San Carlos, Cebu City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay pinaglalabanan pa ang dalawang laro sa men’s division kagabi na PLDT-Air Force vs Cignal at Systema vs Via Mare. (AT)