EAC Generals sumandal sa 2-baguhang players
MANILA, Philippines - Nagpakilala ang mga baguhang manlalaro ng Emilio Aguinaldo College Generals na sina Ariel Aguilar at Jerald Serrano sa inilistang 81-72 panalo sa St. Benilde Blazers sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Aguilar, umakyat mula sa junior team ng EAC at si Serrano, na da-ting naglaro sa University of Manila, ay nagsanib sa 13 puntos sa ikatlong yugto para tabunan ng koponan ni coach Gerry Esplana ang dalawang puntos na pagkakalubog sa halftime at lamangan ang Blazers ng 12, 66-54.
“Noon pang nasa juniors si Aguilar ay may potential na siya. Team B player na si Serrano last year at siya ang pure shooter sa team. Malaki ang maitutulong nila sa campaign namin,” wika ni Esplana.
Tumapos sina Aguilar at Serrano taglay ang 13 at 11 puntos at may pinagsamang lima sa walong 3-pointers na ginawa ng Generals.
Ang mga beteranong sina John Tayongtong, Jack Arquero, Jan Jamon at Noube Happi ay nagtapos taglay ang 14, 14, 13 at 12 puntos at ang 6’7” Cameroonian na si Happi ay may 15 rebounds bukod pa sa tatlong blocks at tig-dalawang assists at steals.
Si Jose Saavedra ay may 20 puntos para sa Blazers na ininda ang 23 turnovers na ang karamihan ay ginawa sa second half.
Sinolo ng San Sebastian Stags ang liderato sa liga nang pabagsakin ang host Jose Rizal University Heavy Bombers, 88-81, sa ikalawang laro.
Sina CJ Perez at Bradwyn Guinto ay nagsalo sa 10-puntos sa 14-0 run sa pagbubukas ng unang yugto na dinomina ng Stags, 24-7 patungo sa kanilang panalo.
Lumayo ang Stags hanggang 28 puntos, 67-39, bago nag-relax para matapyasan ng host Bombers ang final score.
- Latest