MANILA, Philippines - Solo-liderato ang aasintahin ngayon ng San Sebastian Stags habang agawan sa unang panalo sa hanay ng Emilio Aguinaldo College Generals at St. Benilde Bla-zers sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Galing sa 85-83 panalo ang Stags sa Letran Knights na nangyari noong Hunyo 28 kaya’t asahan na mataas ang morale ng koponan sa pagsukat sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa ika-2 ng hapon na tunggalian.
Magbubukas ng laro sa seniors division ay ang salpukan ng Generals at Blazers sa ganap na ika-2 ng hapon.
Galing ang tropa ni coach Gerry Esplana mula sa pinakaproduktibong season sa liga nang tumapos ito sa 10-8 karta para malagay sa ikalimang puwesto.
Nasa koponan pa rin ang mga kamador noong nakaraang taon sa pangunguna ng Cameroonian 6’7” center Noube Happi at Jan Jamon para ipalagay na mas malakas ang kanilang kampanya sa liga.
Hindi naman paaawat ang Blazers na ang nakuhang karanasan sa unang taon ng pagmamando ni coach Gabby Velasco ay makakatulong para mas gumanda ang takbo ng koponan.
Itinuring bilang ‘heartbreak team’ ang Blazers dahil pito sa 13 talo noong Season 89 ay nangyari sa loob ng isa o dalawang puntos lamang.
Bangis ng mga guards ang muling ipamamalas ng San Sebastian para makakalas sa apat na koponan na may 1-0 karta.
Sina CJ Perez, Jamil Ortuoste at Jovit dela Cruz ay tumipa ng 20, 16 at 15 puntos para maisantabi ang kawalan ng dominanteng big man laban sa Knights.
Sisipatin din ang larong ipakikita ng rookie na si Rhanzelle Yong na tumapos bitbit ang respetadong siyam na puntos at siyam na rebounds.
Tiyak naman ang mas malakas na laro galing sa Heavy Bombers upang hindi malaglag sa 0-2 baraha.
Kakailanganin ni JRU coach Vergel Meneses ang mas produktibong laro mula sa ibang players matapos makita na si Philip Paniamogan lamang ang nasa doble-pigura (12 puntos) sa tinamong 49-57 pagkatalo. (AT)