BRAZIL – Winakasan ng Germany at France ang anumang pag-asa ng Africa na umabot sa quarterfinal round ng World Cup matapos talunin ang Algeria at Nigeria, habang binasag ni Uruguay striker Luis Suarez ang kanyang katahimikan para humingi ng paumanhin.
Tinalo ng France ang African champions na Nigeria, 2-0, samantalang kinuha ng Germany ang 2-1 tagumpay sa extra time kontra sa Algeria.
Maglalaban ang Germany at France sa Last Eight sa Biyernes at wala nang susuportahang koponan ang mga Africans.
Ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa second round ang dalawang African teams ngunit magkasunod na napatalsik papasok sa quarterfinals.
Sa Porto Alegre, nagtabla sa 0-0 ang Germany at Algeria sa loob ng 90 minuto kung saan nakagawa ng saves si Algeria goalkeeper Rais M’Bolhi.
Sa pagkakabigkis ng iskor sa 0-0 sa full time, sumipa si German substitute Andre Schuerrle ng isang low cross bago nagdagdag si Mesut Ozil sa huling minuto.
Ang Algerian consolation goal naman ay nanggaling kay Abdelmoumene Djabou.
“The Algerians did a good job, they disrupted us from the start and didn’t let us get into our game. But it doesn’t matter how we won,” sabi ni Schuerrle matapos ang laro.
Sapul noong 1938 ay palaging nakakapasok ang Germany sa quarterfinals ng bawat World Cup.
Sa Brasilia, dalawang beses umiskor ng goal ang France, kaagad na nasibak sa World Cup noong 2010, sa huling 11 minuto para patalsikin ang Nigeria.
Napabayaan ni “Super Eagles” goalkeeper Vincent Enyeama ng Nigeria ang pagdedepensa sa ika-79 minuto na sinamantala ni Paul Pogba tungo sa kanyang open goal para sa France.
Samantala, iimbestigahan naman ng Cameroon football federation ang sinasabing match-fixing sa World Cup, lalo na sa kanilang laro laban sa Croatia.
Walang naipanalo sa kanilang tatlong laro ang Cameroon, kasama dito ang 0-4 kabiguan sa Croatia.
Humingi naman ng paumanhin si Suarez ng Uruguay dahil sa pangangagat sa balikat ng isang Italian defender.
“I ask for the forgiveness of Giorgio Chiellini and all the football family,” wika ni Suarez.