MANILA, Philippines - Pumayag si Memphis forward Zach Randolph sa contract extension sa Grizzlies, ayon sa kanyang agent nitong Biyernes.
Kinumpirma ng Raymond Brothers sa The Associated Press sa text message na gagamitin ni Randolph ang kanyang $16.5 million option para sa 2014-15 season at pumayag sa two-year extension na nagkakahalaga ng $20 million.
Sapul nang dumating sa Memphis noong 2009, si Randolph ay naging haligi ng Grizzlies franchise. Ang kanyang pagbabalik sa Grizzlies ay muling bubuuo ng team na nanalo ng 50 games ngayong season bago natalo sa Oklahoma City Thunder sa first round ng Western Conference playoffs.
Nag-average si Randolph ng 17.4 points at 10.1 rebounds ngayong season upang pamunuan ang Grizzlies sa parehong categories bagama’t nasuspindi siya sa final game ng Oklahoma City series matapos suntukin si Thunder center Steven Adams sa panga.
Mayroon siyang career averages na 17.2 points, 9.4 rebounds at 1.8 assists sa 13 NBA seasons sa paglalaro sa Portland Trail Blazers, New York Knicks, Los Angeles Clippers at Grizzlies. Matapos magpalipat-lipat sa iba’t ibang teams sa kaagahan ng kanyang career, nagtagal si Randolph sa Memphis at tinulu-ngan niya ang Grizzlies na makaapat na sunod na playoff appearances.