BRAZIL -- Nakitaan ng lakas ng loob ang goalkeeper ng Brazil na si Julio Cesar para manalo ang host sa Chile sa pamamagitan ng penalty shootout, 3-2, sa pagsisimula ng knockout round sa 2014 World Cup.
Mahigit na 51,000 Brazilians ang nanood ng laro at abut-abot ang kanilang kaba nang mauwi sa 1-1 ang score matapos ang 90-minutong laro. Wala ring mga goals ang nangyari matapos ang mga dagdag oras para mauwi sa penalty shootout ang labanan.
Ngunit handa si Cesar na harapin ang hamong ito nang maisalba ang naunang dalawang attempts galing kina Mauricio Pinilla at Alexis Sanchez.
Sina David Luiz, Marcelo at Neymar ang umiskor para sa Brazil at ang goal ni Neymar ang nagbigay ng 3-2 kalamangan.
May tsansa pa ang Chile na tumabla pero ang sipa ni Jara Gonzalo ay tumama sa goal post para magkaroon ng malaking selebrasyon ang Brazil.
Hind rin napigilan ang pagluha ng mga Brazilians lalo na si Cesar na siyang sinisi sa pagkakatalsik ng nasabing bansa sa quarterfinals ng 2010 World Cup laban sa Holland.
Si Cesar ang siyang sinisi sa pagkakatalsik ng Brazil sa quarterfinals dahil sa kanyang error.
“I was labeled a villain,” wika ng 34-anyos na si Cesar. “In four years I had to find the strength. This matchy proves if you have a dream, go after it.”
Ito ang ikaanim na sunod na edisyon mula 1990 na nasa quarterfinals ang Brazil at sunod nilang kalaro ang Colombia na pinagpahinga na ang Uruguay, 2-0, sa isa pang laro sa Last 16.
Gumawa ng dalawang goals si James Rodriguez sa 28th at 50th minute para katampukan ang kauna-unahang pagtapak ng Colombia sa quarterfinals sa prestihiyosong kompetisyon sa football.
Tuluyang natapos ang kampanya ng Uruguay na naging kontrobersyal uli sa torneo nang mangagat si Luis Suarez.
Dahil sa ginawa, sinuspindi si Suarez ng apat na buwan ng FIFA.