MANILA, Philippines - Mga krusyal na errors ang dumiskaril sa hangarin ni Elmer Haya na pumasok sa finals nang lasapin ang 7-11 pagkatalo kay Niels Feijen ng Netherlands sa semifinals ng World 9-ball Championship noong Biyernes sa Al Saad Sports Club sa Doha,Qatar.
Nagsimulang dumapo ang kamalasan sa 37-anyos na pool player na nagtatrabaho sa Abu Dhabi sa ninth rack nang kumanto ang tangkang paghuhulog sa bola sa 4-ball para kunin na ni Feijen ang kalamangan sa laro, 5-4.
Na-scratch pa ang cue-ball sa 10th rack para gawing 4-6 ang iskor at kahit nakapanakot pa si Haya na itatabla ang laro sa 14th rack ay kumapit pa rin ang malas sa kanya nang ma-scratch ang cue-ball matapos pumasok ang 8-ball.
Pakonsuwelo na lamang ni Haya ay ang katotohanang ito ang unang pagkakataon na nakaabante siya sa knockout round at nakahagip siya ng $7,500.00 upang maitala ang pinakamalaking kinita sapul nang magbilyar noong 2004.
Nakumpleto ni Feijen ang magandang ipinakita sa kompetisyong sinalihan ng 128-manlalaro dahil siya rin ang kinilalang kampeon matapos talunin si Albin Ouschan ng Austria, 13-10.
Ito ang unang titulo sa kompetisyon ni Feijen para masungkit ang $30,000.00 unang gantimpala mula sa kabuuang $200,000.00 na pinaglabanan.