MANILA, Philippines - Nanatiling determinado ang Elasto Painters hanggang sa huling segundo ng laro.
Ang resulta nito ay ang kanilang ikalawang sunod na finals appearance ngayong 39th season.
Humakot si import Arizona Reid ng 35 points at 10 rebounds para pangunahan ang Rain or Shine sa 97-94 pananaig sa Alaska sa Game Five at wakasan ang kanilang best-of-five semifinals showdown sa 3-2 sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag sina Paul Lee at Gabe Norwood ng tig-10 markers para sa Elasto Painters na sasagupain ang San Mig Coffee Mixers sa best-of-five championship series na magsisimula sa Martes.
Tinalo ng San Mig Coffee ang Talk ‘N Text, 3-2, sa kanilang semifinals duel para makalapit sa hangad na PBA Grand Slam matapos magkampeon sa nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
“It’s not about stopping them but it’s about us winning the championship,” sabi ni Rain or Shine mentor Yeng Guiao, nasa kanyang ika-13 finals stint bilang head coach.
Tinalo ng Mixers ang Elasto Painters sa Finals ng nakaraang PBA Philippine Cup.
Itinala ng Rain or Shine ang 76-69 bentahe sa 1:54 ng third period mula sa slam dunk ni Reid bago nakalapit ang Alaska sa 89-91 agwat sa 2:23 minuto ng fourth quarter.
Kumamada sina Reid at Lee ng dalawang basket kontra sa tirada ni Vic Manuel ng Aces para ibigay sa Elasto Painters ang 95-91 abante sa huling 30.6 segundo.
Nagsalpak si import Henry Walker ng isang three-point shot sa natitirang 23.9 segundo para muling ilapit ang Alaska sa 94-95 kasunod ang dalawang free throws ni Lee sa 12.7 segundo para ilayo ang Rain or Shine sa 97-94.
Nagmintis ang tangkang tres ni Walker na gigiya sana sa Aces sa overtime.
Hindi nakapaglaro sina center Sonny Thoss at guard JVee Casio para sa Alaska.
“I’m glad that we’re done with them becuse it’s a hard series for us. They showed a lot of guts a lot of tenacity without their key players,” ani Guiao.
RAIN OR SHINE 97 -- Reid 35, Lee 10, Norwood 10, Uyloan 8, Rodriguez 8, Araña 5, Chan 5, Belga 4, Almazan 4, Cruz 3, Tiu 3, Ibañes 2, Teng 0.
Alaska 94 -- Walker 29, Manuel 20, Hontiveros 17, Baguio 11, Abueva 9, Dela Cruz 5, Jazul 3, Reyes 0, Belasco 0, Eman 0.
Quarterscores: 29-25; 55-52; 80-77; 97-94.