MANILA, Philippines - Pumasok na sina Jonathan Hernandez at Jordan Cordova sa mga hinete na
pumalo na sa isang milyong kita matapos ang buwan ng Mayo.
May naiuwi nang P1,317,980.79 si Hernandez mula sa 211 sakay na kinatampukan ng 58 panalo, 33 segundo, 35 tersero at 22 kuwarto puwesto para malagay sa ikalimang posisyon.
Si Cordova ang ikaanim na hinete na naging milyonaryo sa taong ito
nang umabot na sa P1,032,606.14 ang napanalunan sa 261 takbo na may 55
panalo, 34 segundo, 27 tersero at 15 kuwarto puwesto.
Una pa rin si Jessie Guce pero nakadikit na si Fernando Raquel Jr. para sa inaasahang mahigpitang labanan tungo sa pangunguna sa hanay ng mga hinete.
May P1,689,253.11 premyo sa 453 takbo si Guce bitbit ang 71panalo, 69 segundo, 55 tersero at 64 kuwarto puwesto habang si Raquel ay nasa dikit na
ikalawang puwesto sa P1,637,168.84 premyo.
May 306 karera pa lamang ang sinalihan ni Raquel pero siya ang nangunguna sa paramihan ng panalo sa 79 bukod pa sa 44 segundo, 34 tersero at 35
kuwarto puwesto.
Si Mark Alvarez ang nasa ikatlong puwesto sa P1,562,590.73 premyo matapos ang sa 387 takbo (69-61-40-47) kasunod ni Pat Dilema na mayroong P1,453,678.86 sa 298 takbo (69-51-43-35).
Ang baguhang hinete na si JD Juco ang nasa ikapitong puwesto na may
P834,588.87 kita sa 215 takbo (31-34-30-24) bago sinundan ni Dominador Borbe Jr. na may` P824,228.51 sa 237 takbo (31-34-30-24), ang baguhan pang si JL Paano na may P798,596.78 sa 251 takbo (33-33-32-27) at Jeff Bacaycay sa P723,759.47 sa 246 takbo (26-32-47-42).
Si John Alvin Guce na naihatid ang kabayong Kid Molave sa panalo sa first
leg ng Philracom Triple Crown Championship sa buwan ng Mayo ay nasa ika-16 na puwesto tangan ang P582,528.66 panalo matapos ang 73 takbo (20-14-9-6). (AT)