MANILA, Philippines - Naghintay lamang ng tamang tiyempo si jockey AM Tancioco para pakawalan ang lakas ng Boss Kris upang masama sa mga nanalo sa pista noong Huwebes ng
gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Naunang nagbalikatan ang mga paborito sa special class division race na Sweet And Spicy ni Jonathan Hernandez at Benissimo ni RC Bolivar mula sa alisan
hanggang sa pagbungad ng rekta.
Naubos ang Sweet And Spicy pero malakas ang dating ng Boss Kris upang maiwanan pa ng halos dalawang dipa ang Benissimo sa meta.
Dehado ang Boss Kris kahit pumangatlo ito sa datingan noong Hunyo 10 habang ang Sweet And Spicy ay napaboran matapos ang dalawang sunod na segunda
puwesto sa pagdadala ng dating hinete na si Mark Alvarez.
Lumabas bilang pinakadehadong kabayo ang Boss Kris matapos maghatid ng P83.00 sa win habang ang 6-7 forecast ay mayroong P232.50 dibidendo.
Isa pang ‘di napaborang kabayo na kuminang ay ang Dress App na hawak ni Jeff
Bacaycay na nanaig sa Maiden B-C race sa 1,300-metro distansya.
Hindi nasilip ang nanalong kabayo dahil napahinga ito ng halos tatlong buwan.
Mahusay ang pagkakapuwesto ni Bacaycay sa Dress App sa balya bilang paghahanda sa rematehan nila ng paboritong Lady’s Night ni Alvarez.
Pero hindi na binitiwan pa ng Dress App ang halos isang dipang kalamangan sa Lady’s Night para makuha ang unang panalo sa taon.
Naghatid ang win ng P44.50 habang ang 5-8 forecast ay may P185.50 dibidendo.
Mga napaborang kabayo ang mga nanalo sa ibang karerang pinaglabanan sa unang gabi sa pista sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Napangatawanan ng Tito Arru ang pagiging liyamadong kabayo nang kunin ang ikalawang sunod na panalo sa Handicap Race 2 na pinaglabanan sa 1,200-metro
distansya.
Si CP Henson ang siyang dumiskarte sa kabayo sa ikalawang dikit na takbo at tinalo nila ang Magic Chant na naitala rin ang pinakamagandang ipinakita
sa apat na takbo sa buwan ng Hunyo.
May P7.00 ang dibidendo sa win habang ang 6-8 forecast ay mayroong P27.00 dibidendo. (AT)