Si Haya na lang ang natitira
MANILA, Philippines - Minalas sa pairings ang mga Filipino cue artists na umabante sa knockout round nang sila-sila ang nagtapat sa pagpasok ng Last 16 at sa quarterfinals noong Huwebes ng gabi.
Sa nangyari, tanging ang 37-anyos na si Elmer Haya ang naiwang kuma-kampanya para sa kompetisyong maggagawad ng $30,000.00 sa hihiranging kampeon.
Isang house pro sa isang bilyaran sa Abu Dhabi, si Haya ang kumalos sa mga kababayang sina Raymund Faraon at Johann Chua sa magkatulad na 11-8 iskor sa huling dalawang rounds.
Magtatangka si Haya na pinamasahian ang sarili para makasali sa torneo, ng puwesto sa Finals laban kay Niels Feijen ng Netherlands.
Si Feijen ang tumapos sa hininga ng ikatlong Pinoy na nasa quarterfinals na si Carlo Biado sa 11-7 panalo.
Ang isa pang puwesto sa Finals ay pag-lalabanan nina Chang Yu Lung ng Chinese Taipei at Albin Ouschan ng Austria.
Tinalo ni Chang ang kampanya ni Shane Van Boening ng USA, 11-8, habang si Ouschan ang nanaig kay Li He Wen ng China, 11-8.
Ang runner-up noong 2013 na si Antonio Gabica na umabot hanggang Last 16 ay nabigong pangalagaan ang 10-7 iskor upang maisuko ang 10-11 pagkatalo kay Ouschan.
Ang mga nanalo sa semifinals ay nagtuos para sa kampeonato kagabi. (AT)
- Latest