RIO DE JANEIRO – Habang naghahandang umalis si Luis Suarez sa World Cup sa kahihiyan, ipinagdiriwang naman ng mga Amerikano at Algerians ang kanilang pagkakapasok sa knockout rounds sa dramatikong huling araw ng group stage nitong Huwebes.
Bagama’t inaasahan na ng marami na masususpindi si Suarez matapos nitong kagatin si Giorgio Chiellini ng Italy sa balikat, marami ang nasorpresa sa kanyang mabigat na parusa na siyam na international matches at apat na buwang pagkaka-ban sa football.
“Such behavior cannot be tolerated on any football pitch and in particular not at a FIFA World Cup when eyes of millions of people are on the stars on the field,” pahayag ni Claudio Sulser, chairman ng FIFA disciplinary committee sa isang statement.
Habang wala na si Suarez sa Brazil, naiwan pa sina Neymar ng Brazil at Lionel Messi ng Argentina gayundin ang United States at ang Algeria na nakarating sa last 16 sa unang pagkakataon.
Natalo ang U.S. sa Germany, 1.0 nitong Huwebes sa huling laban sa Group G ngunit nag-qualify pa rin sila at nakatakdang harapin ang Belgium nitong Martes sa Salvador.
Ang Ghana na may malaking posibilidad na talunin ang U. S. para sa second place sa likod ng nag-qualify nang Germany, ay nabigo matapos matalo sa Portugal ni Ronaldo, 2-1.