Hindi pa malinaw kung paano bubuuin ang dalawang elite Phl teams na isasalang ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa kanilang hosting ng kickoff leg ng FIBA 3x3 World Tour na nakatakda sa July 19-20 sa main activity center ng SM Mega Mall sa Mandaluyong City.
Ang malinaw ay numero uno nilang napupusuan na makuha si Alaska player Calvin Abueva, na ang sapantaha nila ay patok at llamado sa street basketball.
“Okay kay Comm. Chito (PBA commissioner Chito Salud). PBA break naman ang panahon na ‘yon. Ang sabi lang niya na mas magandang dumiretso na kami sa paghingi ng approval sa players at sa kanilang ball clubs,†ani SBP executive director Sonny Barrios.
Kaya’t eto na naman po tayo, balik sa katanungang sino ang mga koponang bukas sa pagpapahiram ng manlalaro para sa national cause?
Sa ganang akin, kung gusto nila si Abueva, buuin na nila ang isang team na puro players ng Alaska Milk para isang paalaman na lang kay Alaska Milk boss chief Wilfred Steven Uytengsu. At para ganahan naman si Mr. Uytengsu, hayaan ang koponang tawaging Alaska Phl team.
Matibay na panglaban na siguro ang koponang bubuuin nina Abueva, Sonny Thoss, Gaby Espinas at Cyrus Baguio.
Para sa isa pang elite Phl team, imbitahan ang SMC Group na bumuo ng kanilang selection. Halimbawa ay pagsamahin sina Greg Slaughter, Chris Ellis, Arwind Santos at Ronald Tubid.
O bakit hindi magtayo ang MVP Group ng sarili nilang koponan? Nariyan si Kelly Williams, Cliff Hodge, Ryan Reyes at Rey Guevarra.
Hindi pwedeng ikonsidera ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas dahil nasa kasagsagan na sila ng kanilang preparasyon para sa World Cup sa pagdaraos ng 3x3 Manila Masters.
Bilang host, apat na koponan ang pwedeng ipasok ng Pilipinas sa nasabing tournament na may nakatayang champion’s prize na $10,000 labas pa sa karapatang lumaro sa 3x3 World Tour Final na nakatakda sa Japan sa Oktubre.
Labas sa dalawang elite teams, panukala ng SBP na ipasok ang Phl youth team (pinangungunahan ni Kobe Paras) na nakausad sa world final at ang champion team sa katatapos na national 3-on-3 championship.
Pamilyar ang mga Pilipino sa street ball o larong tatluhan. Sa FIBA competition, ang 3x3 game ay kinapapalooban ng tatlong manlalaro at isang substitute (walang coach).
Ito’y mabilis na laro sa loob lamang ng sampung minuto (o 21 points sudden death) na may 12-second shot-clock. Kadalasan, tinatalo ng individual skills ang size sa larong ito, kaya naman nakatuon ang pansin ng SBP kay Abueva.