MANILA, Philippines - Inaasahang aagaw ng pansin ang ilang bagong mukha sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Open Conference sa Linggo sa The Arena sa San Juan.
Ilan dito ay sina 6-foot-1 Bea de Leon at Therese Gaston, anak ni dating PBA player Fritz Gaston, ng Ateneo.
Ngunit hindi rin papa-sapaw ang mga collegiate superstars na sina Alyssa Valdez ng Ateneo, Angeli Tabaquero ng Cagayan Valley, Jaja Santiago ng National University, Michelle Datuin ng Philippine National Police, Angeli Araneta ng UP, Dindin Santiago ng PLDT, Judy Caballejo ng Air Force at Rachel Ann Daquis ng Philippine Army.
Nakasama ni tournament director Tonyboy Liao sa pagdalo sa PSA Forum kahapon sa Shakey’s Malate sina Sports Vision chairman Moying Martelino at president Ricky Palou bukod pa kina Shakey’s brand manager Koi Castillo at PR for events and advocacy officer Jam Evaristo.
Maghaharap ang NU at ang UP sa alas-2 ng hapon, habang magtatagpo ang Ateneo at ang PNP sa alas-4.
Itataya ng Cagayan Valley ang kanilang titu-lo sa torneong kinabibilangan rin ng Philippine Army, PLDT Home Telpad at Philippine Air Force.
Ang bawat koponan ay maglalaro ng single round kung saan ang top six ang papasok sa quarterfinals para sa isa na namang one-round affair.
Sa semis, lalabanan ng No. 1 ang No. 4 at makakatipan ng No. 2 ang No. 3 sa dalawang best-of-three series papunta sa best-of-three finals.
Isang best-of-three series din ang mangyayari sa labanan para sa third placer.
Pinagreynahan ng FEU ang nakaraang first conference, samantalang ang third conference ay nakatakda sa Setyembre kung saan maaaring humugot ang mga koponan ng mga foreign imports.
Sinabi ni Martelino na ang mga laro sa Shakey’s V-League ay tuwing Martes, Huwebes at Linggo at isasaere sa isang delayed basis mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA-News TV simula sa ala-1 ng hapon.