MANILA, Philippines - Isang malaking panalo lamang ang kinailangan ng Pugad Lawin para angkinin ang unang puwesto sa palakihan ng premyong kinabig na hanggang Hun-yo 15.
Matatandaan na na-ngibabaw ang Pugad Lawin sa PCSO Silver Cup sa unang araw ng Hunyo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite para lumundag mula sa ibaba tungo sa unang puwesto sa talaan.
Halagang P2.5 milyon ang premyong napanalunan ng Pugad Lawin sa nasabing karera na ikalawang panalo ng kabayo sa taong 2014.
Sa kabuuan, ang Pugad Lawin ay mayroong P2,936,567.19 premyo na kinatampukan pa ng isang tersero at kuwarto puwesto.
Nasa ikalawang puwesto ngayon ang Kid Molave bitbit ang P1,934,089.04 sa dalawang dikit na panalo.
Tampok na panalo na naitala ng kabayo sa mga nagdaang buwan ay ang 1st leg ng Philracom Triple Crown Championship para maibulsa ang P1.8 mil-yong gantimpala.
Ang back-to-back Horse of the Year awardee na Hagdang Bato ay nagparamdam na rin nang umangat na sa ikaanim na puwesto sa talaan.
May isang panalo at isang segundo puwestong pagtatapos, kumabig na ang Hagdang Bato ng P1,420,000.00.
Naunsiyami ang pakay na pangalawang sunod na panalo nang matalo sa Pugad Lawin sa Silver Cup.
Ang Karapatan na hindi pa natatalo matapos ang 12 takbo, ang nasa ikatlong puwesto bitbit ang P1,670,718.00 habang ang Super Charge at Airway ang nasa ikaapat at limang puwesto.
May siyam na panalo at pitong segundo puwestong pagtatapos, ang Super Charge ay may naiuwi ng P1,594,826.76 habang ang Airway na noong buwan ng Mayo ang nangunguna pa sa talaan ay bumaba sa ikalimang puwesto tangan ang P1,468,094.921.