NEW YORK – Inilagay ni Carmelo Anthony ang kanyang sarili sa free agent market.
Ipinabatid ni Anthony sa New York Knicks ang kanyang matagal nang pinaplano.
Nagkaroon si Anthony ng deadline noong Lunes para tapusin ang huling taon sa kanyang kontrata sa Knicks.
Nauna nang sinabi ni Anthony na balak niyang pumasok sa free agency matapos ang NBA season.
Sinabi ni team president Phil Jackson sa All-Star forward matapos ang season kung maaari nitong ipagpaliban ang kanyang desisyon at laruin ang kanyang huling taon sa kontrata na magbibigay sa kanya ng $23.3 milyon.
Ngunit buo na ang plano ni Anthony.
Sinabi niya sa Knicks na itutuloy niya ang kanyang balak matapos makipagpulong kina Jackson, general manager Steve Mills at kay bagong coach Derek Fisher sa Los Angeles.
Puwede na siyang makipag-usap sa anumang koponan simula sa Hulyo 1.
Ilan sa mga interesado sa kanya ay ang Chicago, Houston, Dallas at Miami.
Sinabi na ni Anthony, isang two-time Olympic gold medalist na na-nguna sa NBA sa scoring noong 2012-13, na ayaw niyang iwanan ang New York ngunit ang kanyang prayoridad ay ang lumipat sa isang koponang lalabanan para sa NBA championship.