MANILA, Philippines - Apat pang Filipino cue-artists ang nanalo sa kanilang unang laro habang ang apat na nasa loser’s side ay palaban pa rin sa ikalawang araw ng 2014 World 9-Ball Championship na ginagawa sa Al Saad Sports Club sa Doha Qatar.
Ginulat ni Johann Chua ang beteranong si Corey Deuel ng USA sa 9-2 panalo sa Group 13, para lumapit ng isang panalo tungo sa pag-usad sa knockout stages sa winner’s group.
Nanaig din si Jeffrey De Luna kay Tomasz Kaplan ng Poland, 9-4, habang hiniya ni Israel Rota si J-Ram Alabanzas ng South Africa, 9-0, sa Group 14 matches at si Elmer Haya ay umukit ng 9-2 panalo sa kababa-yang si Lee Van Corteza sa Group 16 sa ibang mga laro sa winner’s bracket.
Kailangan na lamang ng mga ito na manalo pa sa susunod na laban para umabante na sa Last 64.
Nauna nang umabante sa second round sa winner’s side sina Antonio Gabica, Dennis Orcollo, Warren Kiamco, Carlo Biado, Raymund Faraon at Elvis Calasang matapos magwagi sa pagbubukas ng kompetisyon noong Sabado.
Ang mga ito ay naglaro sa ikatlong araw ng kompetisyon at hanap ang panalo para maalpasan na ang Group Stages.
Kung masilat sila, kailangan nilang magwagi sa laro sa loser’s side para magpatuloy ang kampanya sa torneo.
Pinamunuan naman ng 1999 champion na si Efren ‘Bata’ Reyes ang apat na Pinoy na nasa one-loss side na nanatiling buhay pa nang manalo sa una sa dalawang sunod na do-or-die game.
Nangapa pa rin si Reyes sa kanyang dating porma pero kumapit ang suwerte sa kanya sa pagkakataong ito para mailusot ang 9-8 panalo laban kay Denis Grabe ng Estonia sa Group 9.
Si Ramil Gallego ay umani ng 9-7 panalo kay Mishel Turkey ng Qatar sa Group 4; si Francisco Felicilda ay may 9-5 panalo kay Christian Aguirre ng Ecuador sa Group 12 at si Corteza ay may 9-2 panalo kay Mario Morra ng Canada sa Group 16, upang manatiling buhay pa ang 14 Filipino cue-artists na sumabak sa kompetis-yong magbibigay ng $30,000.00 gantimpala sa tatangha-ling kampeon.