MANILA, Philippines - Hindi pinalad si Froilan Saludar sa tinangkang panalo sa unang laban sa labas ng bansa nang bumulagta siya sa second round laban kay Olympian McWilliams Arroyo ng Puerto Rico na ginawa kahapon sa Ruben Rodriquez Coliseum sa Bayamon, Puerto Rico.
Tinamaan ang dating walang talo na si Saludar ng dalawang matitinding left hook mula sa Puerto Rican boxer at ang ikalawang suntok ang nagpatumba sa kanya.
Sinikap ng dating national boxer na bumangon pero nabilangan na siya ng 10 ni referee Genaro Rodriquez para lasapin ang unang pagkatalo sa 21 laban.
May 19 panalo, kasama ang 12 knockouts, ang 25-anyos na si Saludar bukod sa isang tabla bago ang labang ito.
Ika-15th panalo sa 16 laban ang naitala ni Arroyo at si Saludar ang ika-13 boxer na natulog sa kanyang kamao.
Ang labang ito ay isang IBF title eliminator sa flyweight division at inokupahan ni Arroyo ang number one ranking sa dibisyong pinaghaha-rian ni Amnat Ruenroeng ng Thailand.
Binigyan ng tsansa si Saludar na manalo kay Arroyo dahil napahinga ito ng mahigit 16 buwan pero naipakita ng Puerto Rican boxer na hindi siya nagpabaya sa kanyang kondis-yon sa impresibong panalo sa Filipino boxer. (AT)