Alaalang ‘di maalala

Sampung taon mula ngayon, ano ang maaalala ng mga tao sa history ng Air21/Shopinas sa PBA? Masakit man sabihin ngunit malamang na wala.

Kung tuluyang maisasara ang kanilang usapan ng MPIC-NLEX, mamamaalam ang Air21 matapos ang tatlong taon lamang na paglalaro sa PBA.

Ito’y tatlong taon na “losing season,” kinapapalooban ng siyam na kumperensya kung saan kulelat sila sa lima at pangwalo sa dalawa.

Nagsisimula nang maging competitive ang Air21 sa pamumuno ni Asi Taulava nang kanilang maakit ang atensyon ng NLEX.

Kung hindi mauunsiyami ang usapan, sa NLEX mapupunta ang pagmamay-ari ng prangkisa ng Air21 simula sa PBA Season 40.

At muli ang tanong, anong alaala ang iiwan ng Air21?

Para sa orihinal na Air21 team na biglaang na-ging Barako Bull, wala ring major milestones itong nakamit. Mas matatandaan ang pagpapakawala nila ng mga premyadong manlalaro gaya nila Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Arwind Santos at Gary David.

Nabansagan pa nga si Air21 boss Lito Alvarez na “Master Trader” dahil sa malalaking player trades na pinasok nito. Kung naging seryoso sa pagbuo ng competitive team at hindi sa ‘trading business,’ maaring nakalasap sila ng sangkaterbang kampeo-nato sa PBA.

Ngunit mukhang iba talaga ang prinsipyo ng kanilang pagsali sa PBA.

Ayon sa reports, tinitignan pa rin daw ng Air21 na bumalik sa PBA matapos ang ilang panahon.

Ngunit ayon naman sa isang PBA official na nakapagsilbi nang PBA board chair, baka mahirapan nang makabalik ang Air21 sa liga.

“Ang kampo namin di iaaprub, kung sakali man, ang franchise application n’yan,” sabi ng PBA official.

***

Para sa sportswriter na ito, nasa pagitan na lamang nila San Miguel Beer center June Mar Fajardo at Talk ‘N Text guard Jayson Castro ang laban para sa season MVP award.

May tangan silang tig-isang Best Player of the Conference award at magkalaban din para sa Governors’ Cup BPC plum. Sa edad na 41, kagila-gilalas na nasali sa laban si Asi Taulava. Ngunit sa kadahilanang hindi naman niya napanalunan ang stats race at hindi rin niya nabuhat ang Air21 sa ni isang Top Three finish ay hindi ko ibibigay ang aking boto sa kanya.

Show comments