St. Benilde gustong bumawi

MANILA, Philippines - Masasakit na kabiguan na nalasap noong nakaraang season ang pinaniniwalaan ni St. Benilde coach Gabby Velasco na magpa-patibay sa kampanya ng koponan sa Season 90 NCAA men’s basketball.

Itinuring ang Blazers bilang ‘heartbreak kid’ noong 89th season dahil maraming laro ang kanilang naisuko sa pamamagitan ng isa o dalawang puntos lamang.

“We’re very inspired coming into the season. We will try to contend and we expect to have close games but hopefully this time, the result will go our way,” wika ni Velasco.

Solido pa rin ang puwersa ng Blazers dahil tatlo lamang ang kanilang baguhan.

Babalik ang mga nagtrabaho nang husto noong nakaraang taon na sina Paolo Taha, Mark Romero, Jonathan Grey, Jose Saavedra, Roberto Bartolo Jr., Jeffrey Ongeco, Ralph Deles at Fil-Am Travis Jonson na binigyan ang Blazers ng 5-13 baraha.

Kulang pa rin sa mala-king manlalaro ang St. Benilde pero gagamitin ng koponan ang kanilang bilis para mabawi ang bagay na ito.

“We will try to make up for our lack of height with speed and better defense. We are more matured now with the many things that we learned from last year,” dagdag ni Velasco.

Sa Hunyo 28 magsisimula ang aksyon sa pinakamatandang collegiate league sa bansa pero ang Blazers ay magbubukas ng kampanya sa Hulyo 2 pa laban sa Emilio Aguinaldo College Generals.

Ang dagdag na araw para makapaghanda ay magbibigay daan para mas maging pulido ang laro ng koponan sa taon.

 

Show comments