Hopeful Stakes at Triple Crown ilalarga sa Sabado at Linggo
MANILA, Philippines - Handang-handa na ang lahat para sa tagisan ng mga mahuhusay na tatlong taon gulang na mga kabayo sa Sabado at Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang second leg ng 2014 Philracom Hopeful Stakes at Triple Crown
Championship ay lalarga sa naturang race track at ito ay inilagay sa
mapanghamong 1,800-metro distansya.
Kamakalawa isinagawa ang nomination ng mga kalahok sa dalawang
karerang nabanggit at walang nabawas sa mga inilista sa declaration
noong nakaraang linggo.
Tampok na karera ay ang Triple Crown at anim ang opisyal na bilang ng
mga tatakbo kasama ang dalawang coupled entries.
Mangunguna sa kasali ang Kid Molave habang ang kukumpleto sa talaan ay
ang Low Profile, Matang Tubig, Macho Machine, Tap Dance at coupled
entry Kaiserlautern at ang stablemate na Kanlaon at Malaya.
Ang Kid Molave ang nanalo sa first leg na ginawa sa Metro Turf sa
Malvar, Batangas noong Mayo sa 1,600-metro at magtatangka na lumapit
sa isang panalo para hirangin bilang isang Triple Crown Champion.
Sa kasaysayan ng karera na sinimulan noong 1978 ay siyam pa lamang ang
kabayong naka-sweep sa tatlong yugtong karera na ginagawa sa
magkakaibang distansya at sa magkakaibang pista.
Ang huling naging Triple Crown ay ang Hagdang Bato noong 2012 habang
noong nakaraang taon ang Spinning Ridge ay nakadalawang panalo na
nangyari sa second at third leg.
Ang iba pang Triple Crown winners ay ang Silver Story (2001), Reap Top
(1998), Strong Material (1996), Sun Dancer (1989), Magic Showtime
(1988), Time Master (1987), Skywalker (1983) at Fair And Square
(1981).
Tiyak na masusukat ang Kid Molave dahil mas mahaba ang distansya at
tiyak na naghanda rin ang ibang katunggali para makilala bilang leg
winner ng prestihiyosong karera para sa mga edad tatlong taong
kabayo.
Dagdag motibasyon pa ng mga kasali ang P1.8 milyon piso unang
gantimpala mula sa P3 milyon na isinahog ng Philracom.
Una namang ilalarga ang Hopeful Stakes race sa Sabado sa 1,800-metro
distansya rin at 12 ang betting numbers pero 13 ang maglalaban-laban
dahil may isang coupled entry.
Ang mga kasali ay ang Love Na Love, Great Care, Good Connection,
Biseng Bise, Marinx, Castle Cat, Rob The Bouncer, Lady Leisure, Wo Wo
Duck, Wild Talk, Bukod Tangi at coupled entry Rock Shadow at King
Bull.
Nasa P1 milyon ang premyong paglalabanan sa karera at P600,000.00 ang
mapapanalunan ng manaÂnalong kabayo bukod sa pagsungkit ng puwesto sa
third leg na gagawin sa susunod na buwan sa San Lazaro Leisure Park sa
Carmona Cavite sa 2,000-metrong distansya. (AT)
- Latest