Desirable Feeder nanguna sa 3 & 4YO Maiden A-B race

MANILA, Philippines - Sinungkit ng Desira­ble Feeder ang unang panalo nang pangunahan ang 3 & 4 YO Maiden A-B race noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si JL Lazaro ang siyang dumiskarte pa rin sa nasabing kabayo na agad na lumayo sa pagbukas ng aparato bago naipagpag ang malakas na pagdating ng Hall And Oates sa 1,200-metro karera.

Ipinakilala ang nasabing kabayo sa isang Novato race noong Abril 11 na tumapos lamang sa pang-apat na puwesto. Ipinahinga ito bago isinalang sa isang barrier race nooong Hunyo 5 at pinangunahan ng tambalan ang karerang inilagay sa 1,000-metro.

Pinatunayan na maganda na ang kondis­yon ng kabayo sa banderang-tapos na panalong ito.

Naunang humabol ang Renaissance Lady at Appendectomy pero sa far turn ay bumigay na ang dalawa upang magsolo sa unahan ang Desirable Feeder.

Rumeremate na ang Hall And Oates na diniskartehan ni Kevin Abobo pero kapos na sila ng distansya para malagay lamang sa ikalawang puwesto.

Paborito ang nanalong kabayo sa mga sumali para makapagbigay  ng P10.50 sa win habang ang 9-11 forecast ay may P43.50 dibidendo.

Nadugtungan naman ng Prince Popeye ang panalong naitala sa huling karera para ma­ging pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa una sa dalawang gabi ng karera sa Philippine Racing Club Inc. (PRCI) sa linggong ito.

Pinahanga ng kaba­yong diniskartehan pa rin ni Jessie Guce ang mga karerista nang ilabas ang angking bilis para maisantabi ang halos apat na dipang layo ng Toe The Mark sa huling 150-metro ng 1,000-metro distansyang karera.

Pumalo sa P7.50 ang ibinigay sa win habang ang nadehadong Toe The Mark ang nagpaganda sa forecast na 3-9 na umabot sa P120.50 dibidendo.

Ang Princess Keni ang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa gabi nang dominahin ang class divison 1 race sa 1,000-metrong distansya.

Si IA Aguila ang sakay pa rin ng nanalong kabayo para makabawi matapos ang pangatlong puwestong pagtatapos noong Hunyo 1 sa nasabing karerahan.

Ang Jenny’s Cat ni Guce ang siyang paborito at tila mananalo ito dahil nakaagwat ito ng halos dalawang dipa sa rekta.

Pero naglakad ito habang umarangkada ang dating nasa likurang Princess Kani tungo sa panalo.

Naungusan pa ng Sir Jeboy ang Jenny’s Cat sa pangalawang puwesto.

Nagpamahagi ang win ng Princess Keni ng P28.50 habang P121.50 ang dibidendo sa 6-5 forecast. (AT)

Show comments