Sonsona binawian si Vasquez
MANILA, Philippines - Naibangon ni Marvin ‘Marvelous’ Sonsona ang sarili buhat sa pangit na pagkatalo kay Wilfredo Vasquez Jr. ng Puerto Rico apat na taon na ang nakalipas nang ikasa ang split decision panalo sa labang ginawa sa Madison Square Garden sa New York kahapon.
Sa unang palitan ay tumumba ang 29-anyos at dating WBO super bantamweight champion na si Vasquez at kahit nagawa nitong tapusin ang 10-round fight ay sapat ang naipakita ni Sonsona para kunin ang panalo.
Ang mga huradong sina Julie Lederman at Michael Pernick ay nagbigay ng 96-92 iskor pabor sa Filipino fighter habang si John Porturaj ang kumampi kay Vasquez sa 96-92 iskor.
Ito ang ika-19 panalo sa 21 laban ng 23-anyos tubong General Santos City na si Sonsona at naisantabi niya ang fourth round knockout pagyuko kay Vasquez noong 2010.
Nasungkit din ni da-ting WBO super flyweight champion Sonsona ang bakanteng NABF featherweight title at maaaring magkaroon ng pagkakataon na mapalaban sa lehitimong titulo.
Ikaapat na pagkatalo ito ni Vasquez sa 28 laban at nagpatuloy ang talo-panalo karta sa huling pitong laban.
Ang bakbakang ito ay undercard sa main event sa pagitan nina Miguel Cotto at Sergio Martinez at ang Puerto Rican na si Cotto ay nanalo nang magretiro si Martinez sa pagsisimula ng ika-10 laban para agawin ang WBC middleweight title ni Martinez.
Lalabas si Cotto, tinalo ni Manny Pacquiao noong 2009 para sa WBO welterweight title, bilang unang boksingero mula sa kanyang bansa na nanalo ng apat na titulo.
- Latest