MANILA, Philippines - Nanatiling palaban si Lee Van Corteza para sa poÂsibleng ikalawang sunod na titulo sa China Open 9-ball Tournament nang malusutan niya ang group elimination na natapos noong Biyernes sa Pudong Yuanshen Stadium sa Shanghai, China.
Natalo kay Liu Haitao ng China sa winner’s bracket, 9-6, binawi ito ni Corteza sa pagpapatalsik sa kababayan ni Liu na si Dai Yong, 9-6, para alpasan ang Group H.
Tila napaganda pa kay Corteza ang pangunguna sa loser’s side dahil ang unang laro niya sa Last 32 knockout round ay si Khanh Hoang Nguyen ng Vietnam.
Hinirang na kampeon si Corteza noong nakaraang taon nang talunin si Fu Che Wei ng Chinese-Taipei sa Finals.
Ang dalawa pang Filipino cue artists na sina Johann Chua at Jeffrey Ignacio ay nakaalpas din sa loÂser’s side upang gawing lima ang pambato ng bansa na nasa knockout phase.
Sinibak ni Chua si Jeremy Sossei ng US, 9-6, sa Group D, habang si Ignacio ay nanalo sa kababayang si Warren Kiamco, 9-7, sa Group C.
Ang mga umabante galing sa winner’s side na siÂna world champion Dennis Orcollo at Carlo Biado ay kalaro sina Rodney Morris ng US at Phil Reilly ng Australia.