MANILA, Philippines - Pangungunahan nina Dennis Orcollo at Carlo Biado ang tatlong Filipino cue-artists na tiyak na maglalaro sa knockout round sa China Open 9-ball men’s tournament sa Pudong Yuanshen Stadium sa Shanghai, China.
Sina Orcollo at Biado ay pumasok sa main draw mula sa winner’s bracket. May anim na panalo na, kasama ang Master of the Table sa US Derby City Classic, si Orcollo ay nanalo kina Mateusz Sniegocki ng Poland, 9-2, at Ralf Souquet ng Germany, 9-4, sa Group F.
Si Biado ay kuminang kina Hajato Hijikata ng Japan, 9-6, at Mohamed Alhosani ng United Arab Emirantes, 9-7, sa Group E.
Ang ikatlong puwesto sa main draw ay makakam-tan alinman kina Warren Kiamco at Jeffrey Ignacio sa Group C habang ang nagdedepensang kampeon na si Lee Van Corteza ay palaban pa sa winner’s side ng Group H.
Sina Kiamco at Ignacio ang magkatapat sa isang puwesto sa loser’s side. Nalaglag si Kiamco sa one-loss bracket nang matalo agad sa unang laro kontra kay Wang Can ng China, 3-9.
Pinagpahinga niya si Meshaal Turki Al Ali ng Qatar, 9-2, para itakda ang do-or-die match nila ng kababayang si Ignacio na nanalo kay Alejandro Carvajal ng China, 9-8, bago natalo kay Mika Immonen ng Finland, 3-9,
Si Corteza ay nanalo sa unang laban kontra kay Takhti Zarekani ng Iran, 9-8 at sunod na kalaro si Liu Haitao ng China.
Kung matalo man si Corteza ay may isang tsansa pa siyang umabante kung mananalo sa laban sa lo-ser’s side.
Palaban pa rin sina Rubilen Amit at Iris Ranola sa women’s division.
Nag-bye sa first round sa Group E si Amit bago tinalo si Akimi Kajatani ng Japan, 7-2. Sunod niyang kalaro si Chichiro Kawahara ng Japan para sa puwesto sa Last 16 sa kababaihan.
Nabigo agad si Rañola kay Quiyen Ran ng China, 7-6, sa Group C at kailangang maipanalo ang dalawang laro sa loser’s side para umabante. (AT)