Pugad Lawin nakabawi sa Hagdang Bato

MANILA, Philippines - Nakabawi ang Pugad Lawin sa pagkatalo sa unang pakikipagtuos sa Hagdang Bato nang kunin ng kabayo ang panalo sa 19th PCSO Silver Cup na pinaglabanan noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si Jessie Guce ang pinagdiskarte sa pagkakataong ito sa limang taong colt at nagbunga ito nang hindi naubos ang Pugad Lawin sa matinding bakbakan na ginawa ng dalawang premyadong kabayo sa 2,000-metro karera.

Naorasan ang kabayong anak ng Refuse To Bend at Unstoppable ng 2:07.4 gamit ang kuwartos na 25’, 24’, 25’, 25’, 27’ para maihatid din sa may-ari na si Tony Tan Jr. ang unang gantimpala na P2.5 milyon.

Gumawa ng pangalan noong nakaraang taon nang pagharian ang Presidential Gold Cup, ang tagumpay ng Pugad Lawin ay pambawi sa Hagdang Bato nang manalo ang kabayong sakay ni Jonathan Hernandez sa Philracom Commissioner’s Cup noong Marso.

Si Pat Dilema ang dating hinete ng nanalong kabayo pero nagdesisyon ang handlers na ipagabay kay Guce sa pagkakataong ito nang tumapos lamang ang Pugad Lawin sa pangatlong puwesto sa Commissioner’s Cup.

Kinapos ang Hagdang Bato  ng halos dalawang dipa at napagod nang husto nang dalhin agad ang liderato sa kaagahan ng karera.

Nakatulong sa pagkaubos ng back-to-back Horse of the Year awardee ang pinakamabigat na peso na 58.5 kilos na ipinataw sa kabayo bilang nagdedepensang kampeon.

Nakontento ang kampo ni Mayor Benhur Abalos sa P700,000.00 premyo habang ang Tensile Strength na hawak ni Jeff Zarate ang pumangatlo at ang Spinning Ridge ni JA Guce ang pumang-apat para angkinin din ang P350,000.00 at P250,000.00 gantimpala, ayon sa pagkakasunod.

Sa pagbubukas ng aparato ay umalagwa agad ang Hagdang Bato habang pinahabol agad ni Guce ang Pugad Lawin para matiyak na isang two-horse race ang mangyayari.

Sinikap ni Hernandez na bigyan ng agwat ang sakay na kabayo sa naghahabol na karibal ngunit hindi niya maipagpag ang Pugad Lawin.

Sa rekta ay ginamitan na ni Hernandez ng latigo ang nasa balya na Hagdang Bato para huwag mawala ang init nito pero talagang wala nang mailalabas pa ang kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.

Sa kabilang banda ay sariwa pa ang Pugad Lawin na umarya na pagpasok sa huling 200-metro tungo sa solong pagtawid sa meta.

Ang naitalang tiyempo ng Pugad Lawin sa karerang ito ay mas mabilis sa 2:11 na naitala nang ito’y maghari sa Gold Cup.

Ang pagiging dehado ng Pugad Lawin ay naghatid ng tuwa sa mga nanalig sa husay ng kabayo dahil may P56.00 ang ibinigay sa win habang P167.00 ang ipinamahagi sa 7-5 forecast.

Itinakbo rin sa hapong ito ang Mayor Jejomar Erwin S. Binay Jr. Cup at ang Good Connection ni Mark Alvarez ang nanalo sa isang milyang karera.

Ang The Lady Wins ni Pat Dilema ang nagdomina sa unang yugto ng karera pero nagpapahinga lang pala ang tatlong taong filly dahil sa rekta ay pinakawalan na ito ni Alvarez para sa mainit na pagtatapos.

Galing sa panalo ang tambalan sa huling takbo noong Mayo 25 sa San Lazaro Leisure Park at naibulsa ng connections ang P180,000.00 premyo mula sa P300,000.00 na pinaglabanan na handog ng Philippine Racing Commission.

May P67,500.00 ang connetions ng The Lady Wins na tumakbo kasama ang coupled entry na Australian Lady habang ang River Mist at Wo Wo Duck ang pumangatlo at pumang-apat para sa P37,500.00 at P15,000.00 premyo, ayon sa pagkakasunod.

Show comments