MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang laro sa mag-kabilang dulo ng court ng RC Cola-Air Force Raiders para padapain ang naunang mainit na PLDT Home TVolution Power Attackers, 25-18, 25-23, 25-18 sa pagpapatuloy kahapon ng 2014 PLDT Home DSL-Philippine Supeliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang ikalawang sunod na straight sets na panalo ng Raiders para saluhan ang pahingang Air Asia Flying Spikers at Petron Lady Blaze Spi-kers na may 2-0 karta sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Si Judy Ann Caballejo ay mayroong 16 puntos na sinangkapan ng 13 kills habang ang mga naasahan pang sina Maika Ortiz at Joy Cases ay may tig-11 puntos.
Ang batikang setter na si Rhea Dimaculangan ay hindi lamang naghatid ng 35 excellent sets kungdi may dalawang blocks pa para magdomina ang Raiders sa lahat ng aspeto ng laro upang balewalain ang kanilang 24 errors.
“Ipinaalala ko sa kanila na dapat maging malakas kami sa tuwing pumupuntos sila. Naghanda rin kami lalo na sa blocking para pigilan ang kanilang spikers,†wika ni Raiders coach Clarence Esteban.
Si Charo Soriano ay mayroong 11 hits, 8 ay mga kills, pero siya lamang ang nasa double-digits para maputol ang dalawang dikit na panalo ng Power Attackers tungo sa 2-2 baraha.
Dahil tahimik ang ibang inaasahan sa pa-ngunguna ni Sue Roces na may pitong puntos lamang, ang RC Cola-Air Force ay nangibabaw sa kills, 47-28.
Angat pa ang Raiders sa blocks, 8-6 at mayroong 4-1 bentahe sa service aces sa pamumuno ni Caballejo na may dalawang aces.