MACAU – Maraming kailangang patunayan si Nonito Donaire Jr. kapag umakyat ito sa ring sa pagharap kay WBA featherweight champion Simpiwe Vetyeka ngayong gabi sa Cotai Arena dito.
Aakyat si Donaire ng weight division sa hanga-ring maging four-division champion. Noong 2012, itinanghal siyang Fighter of the Year matapos manalo ng dalawa sa kanyang apat na laban sa naturang taon sa pamamagitan ng knockout.
Si Donaire ay undefeated ng 12-taon.
Ngunit noong 2013, ay hindi nakita ang kanyang pagiging elite fighter nang mawala ang kanyang super-bantamweight titles na inagaw ni Guillermo Rigondeaux noong April at muling hinarap si Vic Darchinyan noong November.
Naghabol si Donaire kay Darchinyan sa mga unang rounds at sa ikasiyam na round at pinakawalan niya ang malakas na left hook para pabagsakin si Darchinyan.
“That year I was at the crossroads. But now I’m back. I’ve chosen to continue fighting,†sabi ng 31-gulang na si Donaire.
Laban kay Vetyeka, patutunayan niyang isa pa rin siyang kapanapanabik na boxer na laging knockout ang hanap para muling tawaging elite fighter.
Patutunayan din niyang kaya niyang manalo sa 126 lb division.
Maraming nakataya kay Donaire sa labang ito at hindi siya puwedeng matalo rito.
“It’s definitely a must-win fight. I think from this point on every fight is a must win. This is where it starts,†sabi ni Donaire sa official weigh-in kahapon.
Tumimbang ang Filipino fighter sa electronic scale ng eksaktong 126 lb. May usap-usapang nahirapan si Donaire na abutin ang timbang ngunit sinabi niyang binantayan niya ang kanyang timbang.
Si Vetyeka ay tumimbang ng 125 pounds.
“No concerns. I don’t have any worries. I feel great. I’m excited,†sabi ni Donaire na bumalik na sa kanyang tatay na si Nonito Sr. na kanyang chief trainer.
Dumating dito ang dating trainer ni Donaire na si Robert Garcia para maging cornerman ni Evgeny Gradovich na itataya ang kanyang IBF featherweight title laban kay Alexander Miskirtchian.
Ang isa pang featherweight title clash sa 15,000-seat Cotai Arena ay sa pagitan nina Nicholas Walters at Darchinyan. Puro sa featherweight ang laban.