LOS ANGELES – Nakipagkasundo na si Shelly Sterling nitong Huwebes para ibenta ang Los Angeles Clippers kay dating Microsoft CEO Steve Ballmer sa halagang $2 billion na magiging record deal kung aaprubahan ng NBA, ayon sa taong may kinalaman sa negosasyon.
Sinabi ng source na si Ballmer at ang Sterling Family Trust ay mayroon nang ‘binding agreement’ at ipriprisinta na lamang ito sa NBA.
Agad na nakipagnegosasyon si Shelly Sterling matapos lumabas sa publiko ang racist comment ng kanyang dating asawang Clippers owner na si Donald Sterling.
Sa voice recording, narinig si Sterling na sinabihan ang kanyang girlfriend na si V. Stiviano na huwag magdala ng mga ‘blacks’ o African-Americans sa Clippers games, kung saan binanggit pa niya si Hall of Famer Magic Johnson. Kailangan ding apruba-han ni Donald Sterling ang final agreement bilang 50 percent owner.
Tinalo ni Ballmer ang iba pang nag-bid na Guggenheim Partners at isang grupo na kinabibilangan ni dating NBA All-Star Grant Hill matapos magpresinta ng ‘’all-around superior bid,’’ ayon pa sa source.