Tumatagal at lalong nagiging weird ang coaching set-up sa San Miguel Beer.
Nagsimula ito sa panahon ni coach Olsen Racela at team consultant Rajko Toroman kung saan ang huli ang nakikitang tunay na nagmamando sa koponan.
Nanumbalik ang ganitong set-up sa tambalan nina coach Biboy Ravanes at consultant Todd Purves.
Ngunit nagulat ang marami nang makita sa telebis-yon na si team manager Gee Abanilla ang nagkrokrokis ng importanteng play sa huling yugto ng kanilang laban kontra Barako Bull nitong Miyerkules ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.
Sadya bang mas magaling si Abanilla sa pag drawing ng isang partikular na play? Mas maliwanag ba siyang magmando sa ganoong sitwasyon?
‘Di bago ang mga tulad ni coach Jong Uichico sa Meralco noon na siyang nagbibigay instruction sa mga huling defensive plays. Ngunit ‘yun naman talaga ang kanyang papel bilang first assistant at defensive coach ng Meralco.
Marami pang ibang nabibigyan ng ganito ring trabaho.
Ngunit marami talaga ang nagulat na si team manager Abanilla ang biglang humawak ng kanilang drawing board sa huling yugto ng laban kontra sa Barako Bull.
Of course, hindi matatawaran ang magandang takbo ng San Miguel Beer sa kasalukuyang Governors’ Cup.
Gayundin sa elimination round ng nakaraang Commissioner’s Cup bago matisod ng Air21 sa quarterfinal round.
Ngunit sa ganang akin, lagi akong panig sa set-up na gaya ng kay Tim Cone at Yeng Guiao na solo mando sa pagbibitaw ng coaching instructions. Puwedeng bumulong sa kanila ang mga assistant coaches ngunit sila pa rin ang magbabato ng instructions.
Mabuti naman at mukhang nakuha ni Jeff Caria-so ang ganitong estilo sa Barangay Ginebra.