Petron Blaze Spikers sumandal uli kay Santiago

MANILA, Philippines - Muling sinandalan ng Petron Lady Blaze Spikers ang mainit na paglalaro ni Dindin Santiago habang sinandalan ng PLDT Home TVolution ang husay ni men’s national player Alnakran Abadilla upang manalo ang mga koponang ito sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament noong Miyerkules ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

May 24 kills, 4 aces at 3 blocks tungo sa 31 puntos ang 6’2” na si Santiago para igiya ang Petron sa ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 22-25, 25-14, 25-20, 25-21 tagumpay sa Cagayan Valley Lady Rising Suns.

Ang naitala ni Santiago ay ginawa matapos ang 37 puntos na kinamada nang manalo ang Lady Blaze Spikers sa PLDT Home TVolution Power Attackers sa unang laro at makasalo ang pahingang Air Asia Flying Spikers sa liderato sa ligang inorganisa ng Sports Score katuwang ang PLDT Home DSL at may suporta pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

Ikatlong sunod na pagkatalo ito ng Lady Rising Suns at nasayang ang pinagsamang 37 puntos nina Angeli Tabaquero, Aiza Maizo-Pontillas at Wenneth Eulalio.

May 30 puntos si Abanilla mula sa 20 kills, 6 aces at 4 blocks, para  balikatin ang 25-21, 25-13, 25-27 25-15 panalo ng Power Attackers sa Systema sa huling laro sa men’s division.

Unang laro ito ng Po-wer Attackers sa dibisyon para sa 2-0 baraha.

 

Show comments