PHL Azkals muling haharapin ang Palestine

MANILA, Philippines - Dalawang taon matapos magtuos para sa ikatlong puwesto, muling magkukrus ang landas ng Philippine Azkals at Palestine sa gabing ito para madetermina kung sino sa kanila ang kikilala-ning hari ng 2014 AFC Challenge Cup.

Sa ganap na ika-11:30 ng gabi (Phi-lippine time) itinakda ang championship game na gagawin sa National Football Stadium sa Maldives at ang magkakampeon ang siyang maglalaro sa Asian Cup sa susunod na taon sa Australia mula Ene-ro 9 hanggang 31.

Ang larong ito ay mapapanood din ng live sa ABS-CBN.

Asahan ang klasikong tagisan sa Pilipinas at Palestine dahil pareho silang tumungtong sa finals sa unang pagkakataon at maibubulsa ng papalarin ang kanilang kauna-unahang AFC Challenge Cup title sapul nang sumali sa liga.

Sa dalawang ito, masasabing mas mataas ang morale ng Azkals dahil ang tinalo nila sa semifinals ay ang host Maldives sa pahirapang 3-2 sa extra time.

Bukod ito sa katotohanang tinalo na rin ng Azkals ang Palestine, 4-3, noong 2012 edisyon sa Nepal para kunin ang ikatlong puwesto.

Si German-American coach Thomas Dooley ang siyang dumidiskarte sa Azkals kahalili ng dating mentor na si Hans Michael Weiss at napalabas agad niya ang husay na itinatago ng ibang kasapi ng koponan para mas lumalim ang pinagkukunang opensa ng team.

May mga iniindang injuries sina Stephan Schrock, Neil Etheridge, Dennis Cagara, Juan Guirado at Ruben Doctora pero naisantabi ng pambansang koponan ang mga ito dahil naitaas nina Chris Greatwich, Jerry Lucena at Roland Muller ang kanilang lebel para umabot sa Finals ang Pilipinas.

Hindi rin pahuhuli ang Palestine kung pag-uusapan ang kanilang determinasyon na manalo sa kompetisyon.

 

Show comments