MANILA, Philippines - Kinuha ng kabayong Honour Class ang pinaglabanang Mayor Leonardo ‘Sandy’ M. Javier Jr. Stakes Race noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si AP Asuncion ang siyang hinete ng apat na taong colt na anak ng Master Class sa Midnight Rose at pinahanga ng tambalan ang mga nanood sa karera dahil sa matinding kondisyon ng kabayo sa 1,400-metro karera.
Wire-to-wire ang naitalang panalo ng Honour Class para sa unang panalo matapos ang dalawang takbo sa buwan ng Mayo.
Binigyan pa ang Honour Class ng matinding laban ang napaborang Unica Champ nang kunin agad ang ikalawang puwesto sa alisan.
Pero hindi nagawang abutan ni apprentice jockey JD Juco ang nasa unahang kabayo para makontento sa pangalawang puwesto lamang.
Ang karerang ito ay para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda at sinahugan ito ni Javier ng P300,000.00 premyo at ang connections ng Honour Class ay mayroong P180,000,00 na napanalunan.
Ang Unica Champ ay naghatid sa connections ng P67,000.00 premyo habang ang mga kabayong Al Safirah ni LC Cuadra Jr. At Shining Gold na dala ni AR Villegas ay nagkamit ng P37,500.00 at P15,000.00.
Bilang pangalawang paborito, ang win ay nagpasok pa ng P12.50 habang ang 5-1 forecast ay may ibinigay na P39.00 dibidendo.
Pinangatawanan ng Armoury ang pagiging outstanding favorite habang ang lumabas na nakapanggulat sa araw na ito ay ang Worth The Wait.
Ang class C jockey na si CJ Reyes ang siyang dumiskarte uli sa Armoury at hindi nawala ang tikas ng kabayo para makuha ang ikalawang sunod na panalo at ikaapat mula pa noong Abril 12.
Si Reyes ang hinete noong Abril 12 at 22 bago pinalitan ni CS Penolio noong Mayo 8 sa karerang inilagay sa 1,500m at dinomina rin ng Armoury.
Ang Heart Summer ni Kevin Abobo ang siyang nakalaban ng Armoury na nagbigay ng P5.00 sa win dahil sobrang patok sa 11 naglaban.
Umabot pa sa P28.00 ang ibinigay sa 1-6 forecast.
Nakuha ni Dominador Borbe Jr. ang tamang renda sa Worth The Wait para manalo sa race 1 sa 1,400-metro karera.
Noong Mayo 4 nagtambal sina Borbe at Worth The Wait at pumangatlo sila sa datingan.
Pumalo sa P39.00 ang win habang ang pagsegundo ng Dragon Lady ni Mark Alvarez para sa 3-7 forecast ay mayroong P149.00 na ipinamahagi sa forecast.