Provodnikov puwede kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Kung tuluyan nang hin­di papayag si Juan Ma­nuel Marquez na labanan si Manny Pacquiao sa pang-limang pagkakataon ay handa si Ruslan Pro­vod­nikov na kunin ang opor­­tunidad.

Ito ang sinabi ni Va­dim Kornilov, ang manager ni Pro­vodnikov na nakatakdang itaya ang kanyang su­ot na World Boxing Organization (WBO) light welterweight crown laban kay Chris Algieri sa Hun­yo 14.

“Yes, I think we are get­ting closer and closer to making this fight happen,” wika ni Kornilov sa posibleng maitakdang Pacquiao-Provodnikov cham­pionship fight.

Sina Pacquiao at Provodnikov ay nagsasanay sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.

“I am looking forward to a big fight in the fall,” wi­ka ng 29-anyos na si Pro­vodnikov, na naging spar­mate ni Pacquiao sa pag­hahanda sa kanilang unang laban ni Timothy Brad­ley, Jr. noong 2012.

Binawi ni Pacquiao ang WBO welterweight crown matapos bawian si Bradley sa kanilang re­match noong Abril, habang tinalo ni Marquez si Mike Alvarado noong Ma­yo 18 sa kanilang title eliminator.

Ayon sa 40-anyos na si Marquez, pangarap ni­yang maging kauna-una­hang Mexican fighter na nag­kampeon sa limang mag­kakaibang weight di­vi­sions.

Ngunit sinabi ng kanyang trainer na si Ignacio ‘Nacho’ Beristain na hindi niya papayagang matuloy ang Pacquiao-Marquez V.

Itinakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang susunod na laban ni Pacquiao sa Nobyembre sa Macau, China.

Maaari ding kumuha ng kalaban si Arum sa Gol­den Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya.

“We will see which of these welterweights have been fighting for Golden Boy or on the contract to Golden Boy that Oscar can produce,” sabi ni Arum kaugnay sa kanyang opsyon.

 

Show comments