Walang nakapigil sa Real Lady
MANILA, Philippines - Hindi napigilan ang malakas na takbo ng Real Lady upang manalo sa 3YO Maiden A race noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Mark Alvarez ang hinete ng Real Lady at agad kinuha ng tambalan ang liderato sa anim na kabayong karera sa 1,200-metro.
Sa likod ay humabol agad ang Banker Master at sinikap ni Kevin Abobo na itutok ang kabayo sa Real Lady hanggang sa pagpasok ng rekta. Ginamitan pa nito ng latigo ang kabayo para maipalabas pa ang angking tulin pero ubos na ito.
Sa kabilang banda ay may ibinuga pa ang Real Lady pagpasok sa huÂling 75-metro tungo sa mahigit na tatlong dipang panalo.
Naibulsa ng connections ng Real Lady ang P10,000.00 premyo na inilaan ng nagtataguyod na Philippine Racing Commission (Philracom).
Outstanding favoÂrite ang Real Lady para magkaroon lamang ng balik-taya sa win (P5.00) habang ang 6-4 ay mayroong P12.50.
Mahusay naman ang pagkakatantiya ni apprentice rider Jaw Saulog sa lakas ng Magic Fantasy ni Abobo nang manaig ang C Tonet sa rematehan.
Hawak ng Magic Fantasy ang balya at naunang lumayo pero bumuntot lamang ang C Tonet hanggang pasukin ng dalawang kabayo ang rekta.
Mula rito ay kinargahan na ni Saulog ang C Tonet na may magaang handicap weight na 51-kilos at sa huling 150-metro sa 1,000-m race ay bumulusok na tungo sa apat na dipang tagumpay.
Naghatid ang panalo ng C Tonet ng P35.50 habang ang 6-4 sa forecast ay may P154.50 dibidendo.
May dalawang panalo si Alvarez sa gabi upang saluhan bilang produktibong hinete si Fernando Raquel Jr. na nakapaghatid din ng dalawang panalo.
Ang Toscana ang naÂunang ipinanalo ni Alvarez sa race 1 matapos daigin ang Epira sa 1,400-metro distansya.
Si Raquel ay nangibaÂbaw sa mga kabayong Oh Oh Seven sa race 3 at Classy Kitkat sa race 6. (AT)
- Latest