2-0 sa Spurs

SAN ANTONIO — Kumamada si guard Tony Parker ng 22 points, habang nagsalpak si Danny Green ng pitong 3-pointers at tumapos na may 21 markers para igiya ang San Antonio Spurs sa 112-77 paglampaso sa Oklahoma City Thunder patungo sa 2-0 bentahe sa Western Conference finals.

Nagdagdag si Tim Duncan ng 14 points at 12 rebounds at may tig-11 markers sina Manu Ginobili at Boris Diaw.

Umiskor naman sina Kevin Durant at Russell Westbrook ng tig-15 points mula sa kanilang pinagsamang 13 for 40 fieldgoals shooting, kasama dito ang 4-for-14 clip sa third quarter.

Ang Game Three ay nakatakda sa Linggo sa Oklahoma City.

Muling naglaro nang wala si Serge Ibaka at tinambakan ng 17 points sa Game 1, mas lalo pang puma-ngit ang laro ng Thunder.

Tumipa naman sina Parker at Green ng tig-8 points sa third quarter kung saan naungusan ng San Antonio ang Oklahoma City sa iskoran, 33-18, sa naturang yugto.

Naging pisikal ang Thunder sa simula pa lamang ng laro na hindi nagustuhan ng Spurs.

Natawagan si Duncan ng isang technical foul sa huling limang minuto sa first quarter matapos magreklamo kay referee Ed Malloy dahil sa foul niya kay Durant.

Kinuha ng Thunder ang 5-0 abante sa pagsisimula ng laban bago isara ng Spurs ang first half sa pamamagitan ng 25-8 atake.

Nagsalpak si Green ng magkasunod na 3-pointers para ibigay sa San Antonio ang 55-44 bentahe sa huling minuto ng first half.

Hindi naman nakaiskor ang Oklahoma City sa loob ng dalawang minuto sa third quarter kasabay ng pagtatayo ng San Antonio ng 76-50 kalamangan mula sa mga free throws ni Duncan sa huling 6:20 minuto nito.

Show comments