MANILA, Philippines - Mapipilitan ang mga ligang may residency rule na alisin ito kapag naisabatas na ang Senate Bill No. 2226 na ipinanukala ni Senadora Pia Cayetano.
Ipinasa na ni Cayetano ang panukalang batas na magbibigay daan upang libre ang mga student athletes na makapamili ng paaralang nais na pasukan pagtungtong ng kolehiyo.
Pipigilan din ng batas ang sobrang komersiya-lismo ng mga collegiate leagues na dahil sa hangaring maging pinakamahusay ay naghahain ng malalaking pera at iba pang benepisyo para makuha ang napupusuang manlalaro.
“The State shall recognize and uphold the rights of Student-Athletes to further hone their skills and abilities in their respective fields of amateur sports without neglecting their education and general well-being,†wika ni Cayetano.
Nakuha ng dating atleta bago naging mambabatas ang suporta ng mga kasamahang sina Senator Cynthia Villar at Senator Miriam Defensor-Santiago.
Ang collegiate league na UAAP ay nagpairal ng two-year residency rule sa mga student athletes na nais na lumipat ng paaralan sa pagtungtong ng kolehiyo.
Dahil dito, ilang mga atleta ang hindi nakapaglaro sa liga at naburo dahil sa alituntunin na ipinalabas bago nagsimula ang 2013 season.
Sa ipinanukalang batas, aalisin ang 2-year residency para malayang makadiskarte ang isang high school graduate na student-athlete sa paaralan na nais niyang pasukan.
May isang taong residency rule ang ipaiiral sa mga student-athletes na lilipat mula sa isang kolehiyo tu-ngo sa ibang kolehiyo.
Ipinagbabawal na rin ang sobrang pagbibigay ng insentibo sa mga atletang nais na makuha ng isang paaralan at lilimitahan lamang ito sa libreng tuition, libreng board and lodging at rasonableng allowances.
Ang batas ay hindi lamang gagamitin sa mga collegiate leagues kungdi ipapairal din sa lahat ng mga National Sports Associations (NSAs).