Lusot ang Cebuana
MANILA, Philippines - Naipakita ng Cebuana Lhuillier Gems ang kanilang malaking puso nang bumangon sila mula sa sampung puntos na pagkakalubog tungo sa 67-60 panalo sa Big Chill Superchargers sa PBA D-League Foundation Cup sudden death quarterfinals kahapon sa Meralco Gym sa Ortigas Ave., Pasig City.
Hindi hinayaan nina Bambam Gamalinda at Alvin Padilla na matapos agad ang laban ng Gems nang magtuwang sa huling 8:33 minuto ng labanan para manalo pa kahit napag-iwanan sa 47-57 ng Superchargers.
“They have proven that they are winners,†masa-yang sinabi ni Gems coach David Zamar na tinapos din ang apat na sunod na pagkatalo.
May 21 puntos sa 9-of-15 shooting si Gamalinda habang ang off-the-bench na si Padilla ay may 14 at ang dalawa ang nagtambal sa 13 puntos sa pinakawalang 20-3 endgame run.
Ang pangatlong tres sa laro ni Gamalinda ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Cebuana Lhuillier upang samahan ang NLEX Road Warriors, Jumbo Plastic Giants at nagdedepensang kampeon Blackwater Sports Elite sa Final Four.
Si Marcy Arellano ay naghatid pa ng 8 puntos, 9 rebounds at tig-dalawang assists at steals para punuan ang ‘di magandang ipinakita ni Paul Zamar na may dalawang puntos lamang kasama ang 0-of-8 shooting sa 3-point line.
Walang dapat sisihin sa pagkatalong ito ng Superchargers kungdi ang kanilang sarili dahil bigla silang nanlamig para mamaalam sa liga.
Matapos ang tres ni Adrian Celada na nagbigay sa Big Chill ng 10-puntos na bentahe, isang fieldgoal lamang ang naipasok ng koponan mula sa 13 ibinato para bumagsak ang bataan ni coach Robert Sison.
Sina Villahermosa at Rodney Brondial ay mayroong 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod. (AT)
Cebuana Lhuillier 67 – Gamalinda 21, Padilla 14, G. Banal 9, Arellano 8, Acibar 6, Ilad 5, Sarangay 2, Zamar 2, Leynes 0, Dilay 0, J. Banal 0, Mangahas 0.
Big Chill 60 – Villahermosa 14, Brondial 12, Apinan 6, CElada 6, Lozada 5, Maiquez 4, Heruela 4, Santos 4, Canlas 3, Bonifacio 2, Miranda 0.
Quarterscores: 17-18; 33-39; 46-52; 67-60.
- Latest