MANILA, Philippines - Sapat na ang lakas ng Crucis para maisantabi ang malakas na hamon galing sa Strong Champion na nangyari noong Linggo sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Jonathan Hernandez ang dumiskarte sa Crucis at kinailangan ng hinete na gamitan ng latigo ang itinalaga bilang pinakamahusay na imported horse noong 2013 para hindi manlamig at maiposte ang kalahating kabayong panalo.
Isang special handicap race sa distansyang 1,400-metro isinagawa ang karera na nilahukan ng 10 kabayo at naunang lumayo ang Hyena sa pagsakay ni JD Juco.
Sumunod lamang ang Crucis at Strong Champion hanggang sapitin ang far turn na kung saan bumilis na ang dalawang nasa likod na mga kabayo.
Sa pagbungad ng rekta ay nakaangat na ang Crucis at Strong Champion at sa huling 200-metro ay tila lalayo na ang una.
Pero palaban ang Strong Champion kaya’t kinaila-ngan ni Hernandez na palatayin ang latigo para mapanatili ang agwat hanggang sa tawirin ang meta.
Ikatlong sunod na panalo ito ng kabayong pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunanan sa taon at balik-taya ang ibinigay sa win (P5.00) habang ang forecast na 2-6 ay may P11.50 dibidendo.
Isa pang outstanding favorite na kuminang ay ang Urgent na hawak ni LT Cuadra Jr. para makabawi sa paglapag lamang sa ikalawang puwesto noong Mayo 11.
Full gate ang karera pero kinapitalisa ng Urgent ang pagkakalagay sa stall number one. Nakuha agad ng anim na taong kabayo ang unahan sa pagbubukas ng aparato at hindi na binitiwan pa.
Halos anim na dipa ang layo nito sa Mo Neck para maisantabi ang pagkatalo sa Smoking Peanut sa Santa Ana Park.
May P5.00 ang dibidendo sa win habang P28.00 pa ang nakubra ng mga tumaya sa 1-13 forecast.
Ang lumabas na winningest jockey sa araw na ito ay ang apprentice jockey JF Paroginog nang nagabayan nito ang Mywifedoesntknow at Muchos Gracias na mga kabayo ni Atty. Norberto Morales.
Talunan ng Mywifedoesntknow ang Bad Boy sa 1,200-metro karera habang nanaig ang Muchos Gracias sa Rob The Bouncer.
Pumalo sa P16.50 ang win ng Mywifedoesntknow habang ang 1-5 forecast ay may P137.00.
May P9.00 ang ibinigay sa panalo ng Muchos Gracias at P30.50 ang ipinamahagi sa 4-3 forecast.